Gunita (Recall)
Kung may isang bagay man na nais kong ibalik ay ito ‘yun.
Mga panahon na alam kong may babalik na sagot at hindi katahimikan
Hindi isang paliwanag sa kung paano mo nahanap ang
sarili at sa hindi mo pag atubiling humakbang,
Mga sandaling alam ko na mayro’n naghihintay sa akin sa umaga at magpapaalala na nandiyan ka pa,
Mga yakap at halik na alam kong akin at hindi na
kailangan ng tanong kung para saan, o Hindi sa mga kwento sa kung paano tayo
nagsimula o natapos
Kung may isang bagay man na nais kong sabihin ay ito ‘yun.
Maaaring lumipas na sa’yo ang tagpo na sa akin ay
nanatili, siguro nga ay sinusundan ko pa rin ang mga bakas na iniwan mo—mga
alaala. Hinahanap ang sarili sa mga panahon na nagkulang at pilit hinahabol ang
kahapon upang punan.
Hinahanap ka pa rin sa pagitan ng mga sandali; mga
storyang paulit-ulit kong binabalikan at kung dumating man ako sa katapusan ay
pipikit akong muli at sasariwain ang iyong gunita.
At kung mayro’n man tugon sa mga panalangin ko
Ituro nawa sa akin nito ang daan palayo, dahil pagod
na ang mga matang tumingala at humingi pa ng isang pangungusap sa tulang
matagal nang pinagdamutan ng panahon.
Kung sa huli ay muli akong lumingon at makita kang
masaya, sana sa pag gising ay panaginip na lang ang gunitang pinagsaluhan
nating dalawa.

Comments
Post a Comment